barberoinside
.

Ang Guhong Labi ng Isang Sunog sa Sariaya

   

Nakadungaw ang dalawang lalaki mula sa bintana ng lumang bahay.

 

Suot nila ang puting coat at bow tie na karaniwang bihis ng mga kalalakihan sa panahong iyon. Hapak ang mga pisngi, maputi ang ngipin at nakapomada ang buhok. Kahindik-hindik ang kanilang imahe na pumapagitna sa mga patusok-tusok na dekorasyon ng isang ambulatoryo sa bahay. Lalo kahindik-hindik itong pagmasdan kung iisipin ang kamatayang kanilang dinanas sa kamay ng mga taong bayan ng Sariaya. 

 

Ang dalawang lalaking nasa retrato ay mga anak ng pamilya Reynoso, isang malaking angkan na taal sa probinsya ng Quezon. Kilala pa rin ngayon ang pamilyang Reynoso lalo ng mga matatanda ng bayan kahit pa ang bahay na kanilang ancestral house sa retrato ay malabo nang ituring na bahay ngayon. Kung ang kumbensyon ng isang normal na bahay ay bubong, pader, pintuan at mga bintana, hindi ito bahay. Hindi rin ito tirahan, dahil hindi na ito maaring tirhan ng tao. Ngunit ang hitsura ng guho ay nakabibighaning pasyalan. Kaya naman sa kabila ng lahat, may paggiliw pa rin itong itinuturing na "bahay" ng mga mamamayan ng Sariaya.

 

Ang bahay na ito ay may katangian ng isang bangkay na naagnas; na sa pag-iinspeksiyon ay magbubunyag ng kung anong patungkol sa dati nitong hitsura at ilang pangyayari sa kanyang buhay. Maari rin nitong buuhin ang kuwento ng iba pang mga bangkay dahil sa kaso ng mga lumang bahay sa Sariaya, nakapagkukuwento ang mga patay.

ad2